ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021
Nakapagtala ang Bulkang Taal ng 268 na volcanic earthquakes at 243 na volcanic tremor sa nakalipas na 24 oras, batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong umaga, Marso 25.
Ayon pa kay Phivolcs Director Renato Solidum, “Kailangan pong gawin ay pag-ingatan ang aktibidad ng Taal, kasi sa Alert Level 2 ay ine-evaluate natin ang kanyang kondisyon, constantly. Posible naman po na magkaroon ng mga stream-driven o phreatic eruption at paglabas ng gas na delikado na sa mga tao kung sila ay nasa isla.”
Giit pa niya, “Kailangan din nating bantayan ang magma kung umuusad at lalabas ba talaga d’yan sa bulkan. Kung sakaling ito ay lalabas, tinitignan natin kung ito ba ay magiging explosive o ‘di kaya ay dahan-dahang magkakaroon lang ng lava.”
Sa nakalipas na araw ay kapansin-pansin ang dumaraming bilang ng volcanic earthquakes ngunit iginiit naman niyang iyon ay ‘by process’ at hindi dumidiretso.
Paliwanag pa niya, “Sa kasalukuyan po, nakikita natin na maliit pa lang po ang volume ng magma na nasa malapit sa ibabaw at hindi po tuluy-tuloy ang kilos kaya walang paglindol na nangyari nang mahabang oras.
Sa sitwasyon na ito, kung magpapatuloy at umusad muli ang magma, puwede naman ang magmatic eruption. Pero uulitin ko, ang magmatic eruption, puwede pong hindi explosive, puwede ring explosive.
Dahil sa maliit pa ang volume na ating nakikita, hindi pa natin nakikita ‘yung kasingtulad pa nu’ng 2020. Mangyayari po ito na maging explosive kung may umusad na bagong magma sa ilalim at mag-resupply. Iyon po ang babantayan natin.” Sa ngayon ay nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal.
Ipinaliwanag din ni Solidum na hindi lamang ang bilang ng volcanic earthquakes ang dapat tignan, pati na rin ang pamamaga ng bulkan sapagkat hindi ito katulad nu’ng mga nakaraang aktibidad ng Taal na halatang namamaga.
Ang importante sa alert level, aniya, ay ang corresponding action na ginagawa ng mga residente at kung sakaling magkaroon ng stream driven explosion ay mas ligtas umano sapagkat wala nang mga tao sa paligid ng bulkan dahil maaga silang nakalikas.