ni Madel Moratillo @News | July 24, 2023
Bagsak na grado ang ibinigay ng grupo ng mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kasabay ng kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Sa isang street conference ng grupong Pamalakaya o Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, binanggit nila ang kabiguan ng Marcos administration na tugunan ang problema ng mga nasa sektor ng pangingisda maging ang reclamation ng mga dagat. Katunayan anila, nasa 21 reclamation projects na ang naaprubahan at nabigyan ng environmental compliance certificate sa Manila Bay.
Nanawagan naman sila sa gobyerno ng 15 libong pisong subsidy para sa gasolina ng kanilang mga bangkang pangisda. Sasali rin umano sila sa gagawing kilos-protesta sa SONA ng Pangulo ngayong araw.
Samantala, ang mga vendor naman na nagtitinda sa Commonwealth market sa Quezon City, nanawagan sa Pangulo na pababain ang presyo ng bigas.
Gustuhin man umano nilang mapababa ang presyong ipinapasa sa mga customer, wala rin silang magawa dahil mahal ang kuha nila sa supplier.
Panawagan din ng mga vendor kay P-BBM na tutukan ang inflation. Marami na umano ang umaaray dahil sa sobrang taas ng mga bilihin.