ni Lolet Abania | November 22, 2020
Binuksan ng Philippine Red Cross (PRC) ang isang Coronavirus testing laboratory sa lalawigan ng Isabela para magserbisyo sa buong rehiyon ng Cagayan Valley.
Ayon kay PRC Chairman Sen. Richard Gordon, kayang magproseso sa laboratoryo ng 2,000 tests araw-araw. Umabot sa P30 million ang halaga ng pasilidad at natapos na magawa nang isang buwan lamang.
"Importante ‘yung binabayaran kami. 'Pag nababayaran kami, iniikot namin, nire-reinvest namin ang pera," sabi ni Gordon. Matatandaang noong November 5, nagbayad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng P700 million sa naturang non-government organization, subali’t may P377 million pang utang ang ahensiya na kailangang i-settle para sa COVID-19 testing services, ayon sa datos ng Red Cross.
Gayunman, noong May, pumirma sa isang kasunduan ang PhilHealth at PRC para sa itinakdang COVID-19 tests fee na P3,500 ang halaga bawat isa.
Samantala, namahagi ang PRC ng relief goods sa 250 residente sa Barangay Sipay, Ilagan City sa Isabela na sinalanta ng Bagyong Ulysses, ayon kay Gordon.