top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | August 19, 2023




Umapela ang mga grupo ng international shipping lines at off-terminal and off-dock container storage facility operators sa mga mambabatas na busisiin ang pondo ng Philippine Ports Authority (PPA) at tiyakin na walang ilalaan sa kontrobersyal na programang Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS).


Una nang tinutulan ng mga negosyante at ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang isinusulong na ito ng PPA.


Kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso ang panukalang P5.76 trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.


Matatandaang hindi aprubado sa ARTA ang programang isinusulong ng PPA matapos makita na wala umano itong legal na basehan.

Nadiskubre rin umano ng ARTA na magkasalungat ang mandato ng PPA, bilang isang regulator at port operator, na magreresulta sa koleksyon ng dagdag na fees kung oobligahin ang mga stakeholder na magparehistro para sa accreditation ng TOP-CRMS.


Sa kanilang report, sinabi pa ng ARTA na ang mga bayarin na kasama sa pagpapatupad ng TOP-CRMS ay magreresulta lang sa financial burden ng stakeholders, partikular sa paggamit ng PPA-authorized Container Staging Facilities sa labas ng pantalan.


Kontra din umano ang 24 influential business groups, kabilang ang limang kilalang foreign chambers na nag-o-operate sa bansa.


Binigyang-diin naman ni Patrick Ronas, presidente ng AISL na ang PPA AO 04-2021 ay makakadagdag ng P35 bilyong annual importation cost na magreresulta sa pagtaas ng inflation.


Sinabi naman ni Roger Lalu, chairman ng ACYOP, na umaasa sila sa Kongreso na babantayan ang pambansang budget laban sa mga gastusin na walang kapakinabangan.



 
 

ni Lolet Abania | January 3, 2022


Nasa kabuuang 40 empleyado ng Philippine Ports Authority (PPA) sa kanilang head office at sa National Capital Region (NCR) ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon kay PPA vice chairman at general manager Jay Santiago, ang mga nasabing kawani ay agad na pinauwi sa kanilang tirahan para sa isolation matapos na magpositibo sa antigen test ngayong Lunes.


Kaugnay nito, isinailalim simula Enero 3 hanggang 15, 2022 sa Alert Level 3 ang NCR matapos maiulat ang pagsirit ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ngayong araw, nakapagtala ang bansa ng 4,084 bagong kaso ng COVID-19 habang umabot sa 24,992 ang active cases.


Nasa kabuuang 2,855,819 ang positibo sa virus habang 2,779,241 naman ang nakarekober at 51,586 ang nasawi sa COVID-19.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 19, 2021



Wala pang abiso kung kailan muling mapapayagan ang paglalayag ng mga barko bunsod ng pananalasa ng bagyong Odette.

 

“'Yun pong mga pantalan natin na apektado pa rin ng bagyong Odette ay hindi pa rin nagli-lift ng suspension ng voyage ang Philippine Coast Guard. Habang wala pang byahe kami ay naglilinis po sa ating mga pantalan. Naapektuhan po ng storm surge 'yung ibang pantalan nating tinamaan ng Odette,” pahayag ni Philippine Ports Authority general manager Jay Santiago.


Ayon pa kay Santiago, maging ang kanilang mga kawani na 24/7 ang operasyon ay kinailangan din nilang ilikas dahil sa malakas na ulan at tama ng hangin at alon sa ilang mga pantalan.


“Ngayon po ang ginagawa natin we are trying to restore po 'yung electricity, pati po facilities natin. May superficial damage po tayo sa ating mga facilities. Wala pa po tayong biyahe sa mga apektadong lugar. Hintayin po natin ang abiso ng Philippine Coast Guard kung magsisimula na po silang mag biyahe,” aniya.


Ikinaalarma din ni Santiago ang ilang mga kawani nila sa mga terminal ng PPA na binayo ng bagyo ang hindi pa nila makontak.


“Gusto kong makipanawagan sa mga kasama natin sa PPA sa mga probinsiyang tinamaan ng bagyong Odette. We are trying to contact them, karamihan ng terminal natin may satellite phone 'yan, baka down din po 'yung system siguro. Hangga’t maaari kung pwedeng makipag-coordinate po sila sa pinakamadaling pagkakataon para alam natin na sila ay ligtas at maayos,” sabi niya.


Pero aniya, nag-utos na rin sila mula sa kanilang base ports na puntahan ang mga pantalan at magsagawa ng manual check ng mga personnel upang matiyak na maayos ang lahat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page