ni Lolet Abania | June 6, 2022
Nasa tinatayang 7,000 hanggang 8,000 pulis ang itatalaga para tiyakin ang seguridad sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, ayon sa Manila Police District (MPD).
Sa isang interview kay MPD chief Police Brigadier General Leo Francisco ngayong Lunes, sinabi nitong ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at ang Philippine National Police - National Headquarters ay magbibigay ng karagdagang deployment ng mga pulis.
“Sa panig ng MPD, meron kaming 4,400 na kapulisan at iyan ay lahat ide-deploy ko para sa inagurasyon ng ating bagong presidente,” saad ni Francisco.
“Ako ay bibigyan ng additional complement galing sa NCRPO at sa National Headquarters so we are looking about 7,000 to 8,000 police na puwede i-deploy that day,” dagdag ng opisyal.
Sa ngayon, ayon kay Francisco, wala pa silang na-monitor na anumang banta o threat kaugnay sa oath-taking ni Marcos na nakatakdang ganapin sa National Museum of the Philippines.
Sinabi rin ni Francisco na ang P. Burgos Street at Kalaw Avenue mula sa Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard ay kanilang isasara sa trapiko kaugnay sa isasagawang okasyon.
Isang rerouting plan naman ang kanilang itinakda para sa mga motorista. Binanggit naman ni Francisco na maaaring gamitin ng mga protesters ang mga freedom parks upang magsagawa ng kanilang mga rally.