ni Jeff Tumbado | April 19, 2023
Nasa kabuuang 221 police personnel mula sa Police Regional Office 7 (PRO7) ang tinanggal sa pwesto kaugnay sa nangyaring pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.
Ito ang kinumpirma ni PRO7 Deputy Regional Director for Operations Police Col. Noel Flores kung saan humalili sa mga inalis ay ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB).
“I want to inform the body that 221 personnel from Basay, Bayawan, Sta. Catalina, and Villa Hermosa have been already relieved,” pahayag ni Flores.
Ang pagsibak umano sa buong pwersa ng police personnel sa apat na bayan sa Negros Oriental ay alinsunod sa kautusan ni Interior Sec. Benhur Abalos.
Ang hakbang ng kalihim ay base naman sa mga naging testigo sa krimen na kung saan ay tinukoy ng mga ito na ilan sa mga naging spotter para sa mga salarin ay pawang mga pulis.
Karamihan sa mga itinuturong pulis ay kasalukuyan pang nasa probinsya.
Agad na ring ipinag-utos ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Rhodel Sermonia ang mabilis na pagtukoy sa mga pulis na nagsisilbing spotter upang agad isailalim sa kostudiya at kasuhan kung mapatunayan.