ni V. Reyes | April 30, 2023
Masamang biro para sa Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang ginawang online content ng Tukomi Brothers sa kanilang vlog noong Abril 6 sa Las Piñas.
Ipinagharap na ng kasong Alarm and Scandal sa Las Piñas Prosecutor’s Office ang Tukomi Brothers dahil sa sinasabing delikadong biro ng mga vlogger.
“Para hindi na po maulit ang ginagawa nila d'yan kasi maraming gumagaya, pangit din sa mata ng mga bata ang ganuon. Napakadelikado talaga,” pahayag ni Police Staff Sergeant Ronnie Conmigo, imbestigador ng PNP-IMEG.
Si Conmigo ay nagkataong nasa lugar nang mangyari ang sinasabing prank ng Tukomi Brothers.
Batay sa kuha na video, makikitang lumabas ng itim na kotse ang tatlong lalaki na may suot na bonnet at tangkang dudukutin ang isang lalaki. Dahil hindi batid na prank lang ang insidente ay ginawa ni Conmigo ang kanyang tungkulin na pigilan ang pinaniniwalaang krimen.
“Biro mo kung iba iyon, sakaling may trigger-happy na pulis o kahit hindi pulis, nabaril sila.
Maraming madadamay kasi ang daming tao sa lugar na iyon, palengke po. Noong nakita ko na tumataas ang kamay at walang dalang baril, sa tagal natin sa serbisyo, iisipin ko pa rin na baka madisgrasya ko sila,” dagdag pa ni Conmigo.