ni Lolet Abania | April 27, 2021
Nagkakahalaga ng P68 milyon na tinatayang nasa 10 kgs. ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang drug personality matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Cavite kahapon.
Kinilala ng mga awtoridad ang naarestong suspek na si Michael Lucas, 35-anyos.
Sa ulat ng PNP, ang suspek ay matagal na sa illegal drug trade na umabot ng mahigit dalawang taon at miyembro umano ito ng isang sindikato ng droga na siyang distributor ng shabu sa Region 3, NCR, Mindanao, at iba pang karatig-probinsiya.
Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, nakukuha ni Lucas ang suplay ng ilegal na droga mula sa isang Chinese na nakakulong sa Muntinlupa sa tulong ng iba pang kasamahan nito.
Sinabi pa ni Sinas, umaabot sa 10 hanggang 15 kgs. ng shabu ang naibabagsak umano ng suspek sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“This is the result of the PNP’s intensified campaign against illegal drugs. We will continue to arrest drug personalities nationwide for a drug-free community,” ani Sinas.
Inihahanda na rin ang isasampang kaso laban sa suspek.