ni Lolet Abania | February 24, 2022
Inihirit ng samahan ng mga ospital sa bansa sa gobyerno, na maghintay na muna ng dalawa pang linggo at i-monitor ang trend ng COVID-19 cases bago tuluyang isailalim ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1.
Sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes, sinabi ng pangulo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na si Jose de Grano, na posibleng balewalain ng mga tao ang minimum health standards kapag nag-shift na ang bansa sa pinakamababang alert level.
“Sa amin, ang rekomendasyon namin kung maaari ay maghintay tayo ng another two weeks. Pero kung iyon ang decision ng ating mga IATF, susunod naman po kami,” giit ni De Grano.
Ayon kay De Grano, nagiging maingat lamang ang hospital groups sa posibleng pagsirit ulit ng COVID-19 cases sa bansa kung saan nagsimula na rin ang election campaign period.
“Worried kami na baka after this, luwagan natin masyado, iyong mga tao ay hindi na sumunod sa mga minimum protocols. Baka bigla ulit magkaroon ng surge,” pagliwanag ng opisyal.
Una nang napagkasunduan ng mga mayors sa NCR na irekomenda ang pagsasailalim sa rehiyon sa Alert Level 1 mula sa dating Alert Level 2 simula Marso 1, 2022.
Sa ilalim ng Alert Level 1, papayagan na ang intrazonal at interzonal travel sa kahit ano pang edad at comorbidities.
Ang lahat ng establisimyento, mga indibidwal o aktibidad, ay papayagan ding mag-operate, habang ang mga magtatrabaho, o anumang katulad nito ay nasa full on-site o venue/seating capacity na subalit dapat na ipinatutupad ang minimum public health standards.