ni Lolet Abania | June 11, 2021
Patay ang tatlong hinihinalang miyembro ng drug syndicate sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Cebu City kagabi, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang statement, kinilala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang isa sa mga suspek sa alyas na “Levon.”
Sinabi ni Eleazar, nakaengkuwentro ng mga operatiba ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga suspek na bukod kay Levon, may dalawa pang hindi nakikilalang lalaki, sa Barangay Campo 4 sa Talisay City at Barangay Tap Tap sa Cebu City.
Ayon sa PNP, humantong sa sagupaan ang nasabing engkuwentro na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang 10 malalaking pakete ng hinihinalang shabu na nasa 10 kilos na nagkakahalaga ng P68 milyon, isang itim na traveling bag, isang silver Toyota Vios, isang mahaba at 2 maiksing baril.
Ang mga nakumpiska ay dinala na sa PNP-Drug Enforcement Group Special Operation Unit 7 para sa dokumentasyon at proper disposition.
“The PNP remains steadfast, under the PNP Intensified Cleanliness Policy, in fighting the bigger war on illegal drugs without let-up,” ani Eleazar.
“The PNP offers no compromise for anyone found to be involved in illegal drugs activities. We remain constantly working with PDEA to crush the real enemy,” dagdag niya.