ni Lolet Abania | July 30, 2021
Sumiklab ang sunog sa rooftop ng isang gusali ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia nitong Huwebes nang umaga.
Sa isang interview kay acting Head of Post ng Philippine Consulate General sa Jeddah na si Consul Mary Jennifer Dingal, nag-umpisa ang sunog bandang alas-7:00 ng umaga, kung saan nagliyab umano ang rooftop ng Building 4 na inookupahan ng iba’t ibang attached agencies ng gobyerno ng Pilipinas gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Pag-IBIG Fund at Social Security System (SSS).
Ayon kay Dingal, ang naturang rooftop ng gusali ang ginawang prayer room ng mga staff nilang Muslim.
“Sa initial naming pag-iimbestiga, lumalabas na posibleng nagsimula ang apoy sa natunaw na wiring na nakadikit sa mga carpet ... dala marahil ito ng mainit na panahon,” pahayag ni Dingal.
Agad namang naapula ang apoy ng kanyang mga security personnel dahil sa ginamit na mga bago nilang fire extinguishers habang mabilis na rumesponde ang mga bumbero at mga pulis sa lugar.
Iniimbestigahan pa sa ngayon ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sunog habang hindi muna ipinagamit ang nasabing gusali.
Sinabi pa ni Dingal na wala namang nasaktan matapos ang sunog habang balik na sila sa kanilang normal na operasyon sa Consulate.