ni Lolet Abania | March 25, 2022
Dumarami na ang mga Pilipinong mangingisda na nagpapalaot sa Bajo de Masinloc, Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Biyernes.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na naka-monitor sila ng tinatayang 45 na mga bangkang Pinoy, kung saan nangingisda ang mga ito sa bisinidad ng coastal waters ng Bajo de Masinloc, sa kanilang isinagawang maritime operations mula Pebrero 28 hanggang Marso 5.
Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, ang dami ng mga mangingisda ay sadyang nakapagtala ng kagandahan para maitaguyod ang maritime security at maritime safety sa lugar na matatagpuan sa 124 nautical miles west ng Zambales.
“Seeing more Filipino fishing boats in Bajo de Masinloc is a proof of our intensified efforts to safeguard Filipino fishermen who consider fishing as their primary source of livelihood,” sabi ni Abu.
Tiniyak naman ni Abu sa mga mangingisda na patuloy ang PCG sa kanilang ginagawang aktibidad at presensiya sa lugar para maprotektahan ang mga ito at masiguro ang kanilang kaligtasan.
Ayon sa PCG, ang mga tauhan ng BRP Capones (MRRV-4404) ay nagbigay din ng mga relief supplies at COVID-19 kits sa mga mangingisda sa pamamagitan ng “Bayanihan sa Karagatan” program.
Matatandaang ipinahayag ng PCG na noong 2021, mayroong mga kahina-hinalang foreign vessels at sinasabing “nakadaong” na China Coast Guard (CCG) ships sa bisinidad ng karagatan ng Bajo de Masinloc, kung saan ang PCG at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay tinutugunan ang isyu sa pamamagitan ng nababatay na kautusan at mapayapang usapan.
Iginiit naman ni NTF-WPS chairman at National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon na ang mga Pinoy na mangingisda ay dapat na hikayatin na mangisda sa kanilang traditional fishing ground, sa Bajo de Masinloc.
Una nang nagbigay ng direktiba si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa PCG na ipagpatuloy ang kanilang isinasagawang intensified deployment ng mga assets at personnel sa lugar para maprotektahan ang mga Pinoy na mangingisda.
“The Area Task Force – North of the NTF-WPS provides operational direction for Bajo de Masinloc and Philippine Rise. Our units will continue to augment and support the Area Task Force – North of the NTF-WPS to safeguard Filipino fishermen in the said vicinity waters,” saad ni Abu.
“The PCG is here to be of service to the Filipino people by remaining steadfast in its duty to protect the country’s waters and safeguard every Filipino at sea. This is our commitment to the nation,” dagdag ng opisyal.