ni Janice Baricuatro | April 30, 2023
Dalawa ang naiulat na nasawi habang tatlong iba pa ang patuloy na target ng search and rescue operation matapos na magbanggan ang dalawang banyagang barko sa karagatan ng Corregidor Island sa Cavite, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagbanggaan ang MV Hong Hai 189 na isang dredger na galing sa Botolan, Zambales at MT Petite Soeur, na isa namang chemical/oil tanker na galing naman sa Mariveles, Bataan.
Tumaob ang MV Hong Hai sa banggaan pero maswerte namang nasa malapit lang din ang isa pang barko na Heng Da 19, kaya agad na-rescue ang 16 na crew nito. Dalawa rito ang isinugod sa Bataan General Hospital pero nasawi ang isa sa kanila na isang Filipino safety officer.
Kahapon, Abril 29, nang marekober naman ang isa pang bangkay na isang Chinese seaman.
Patuloy pa ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad para sa 3 pang nawawala.
Samantala, ligtas naman ang lahat ng 21 crew na sakay ng MT Petite Soeur.