ni Madel Moratillo @News | September 7, 2023
Papayagan nang makapaglayag ang ilang passenger at cargo vessel kahit may bagyo o signal number 1.
Ito ay matapos na amyendahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang polisiya sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat. Ayon kay Capt. Jomark Angue, Deputy Chief ng Coast Guard Staff for Maritime Safety Services, dumaan ito sa masusing pag-aaral.
Kabilang umano sa kanilang ikinunsidera ay ang pang-ekonomiya lalo at apektado ang biyahe ng supply dahil kapag may signal number 1 lahat ng sasakyang pandagat, bawal bumiyahe.
Gayunman, nilinaw naman niya na ang papayagan lang ay depende sa barko.
Papayagan lang din aniya ito para sa mga dadaan sa main supply routes at short distance voyage.
Tiniyak naman ng PCG ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa PAGASA.