top of page
Search

ni Eli San Miguel @News | Nov. 3, 2024



Photo: BRP Gabriela Silang ng PCG - DSWD Region II


Dumating sa Batanes nitong Linggo ang BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard (PCG) upang maghatid ng kinakailangang mga relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo, matapos maantala dulot ng masamang panahon.


Ayon kay PCG spokesperson Commodore Aljier Ricafrente, dala ng barko ang humigit-kumulang 5,500 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga bahaging norte ng bansa na kamakailan lamang ay sinalanta ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan dulot ng bagyong Leon.


Bago ang paglalayag nito, pansamantalang tumigil ang BRP Gabriela Silang sa bayan ng Sual, Pangasinan, habang naghihintay ng mas maayos na kondisyon ng dagat.


Magugunitang nagbigay din ng karagdagang donasyon ang mga lokal na pamahalaan at miyembro ng komunidad, kabilang dito ang mga sako ng bigas.

 
 

ni Angela Fernando @News | September 13, 2024



Sports News

Umabot na sa 97.43% ng langis mula sa lumubog na Terranova motor tanker sa Limay, Bataan ang narekober na at 55,512 litrong kargang langis ang nawawala, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes.


Sinabi ng PCG na batay ito sa huling inspeksyon sa ground zero na isinagawa nu'ng Huwebes. Ayon sa ulat ng contracted salvor na Harbor Star, sinabi ng PCG na kabuuang 1,415,954 litro ng langis at 17,725 kilo ng solidong oily waste ang narekober mula sa lumubog na motor tanker.


Base sa Harbor Star, ang natitirang 55,512 litro, na katumbas ng 2.57% ng kabuuang kargang langis, ay nawala dahil sa iba't ibang salik tulad ng biodegradation, pagkakawala sa hangin, pagsipsip ng sorbent booms, at sludge na hindi na ma-pump mula sa mga tangke.


Samantala, sinabi pa ng PCG na isinagawa rin ng salvor ang final stripping operation upang matiyak na walang laman ang mga kargamentong oil tanks para sa nalalapit na salvage operation ng MTKR Terranova.

 
 

ni Angela Fernando @News | September 8, 2024



Article Photo

Nagpahayag ang isang international maritime observer nitong Linggo na muling bumalik ang mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS) matapos silang pansamantalang umatras dahil sa bagyong “Enteng” nu'ng nakaraang linggo.


Ayon kay Ray Powell, direktor ng SeaLight sa Gordian Knot Centre for National Security Innovation sa Stanford University, lumabas sa Automatic Identification System (AIS) tracking na hindi bababa sa anim na barko ng maritime militia ng China na Qiong Sansha Yu at isang barko ng coast guard ang namataan nitong Linggo habang patungo mula sa Panganiban Reef papuntang Bajo de Masinloc (BDM).


Nauna nang iniulat ni Powell na anim pang barko ng Chinese maritime militia ang umalis sa BDM bago dumating ang nasabing bagyo. Samantala, isang 111-metrong barko ng Chinese Coast Guard, na may bow number na 3305, ang nanatili sa bahura at hinarap ang bagyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page