ni Lolet Abania | April 12, 2022
Siyam na lugar ang nananatiling nasa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 dahil sa Tropical Depression Agaton habang isang bagong cyclone ang pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA ngayong Martes.
Batay sa ulat ng state weather bureau, alas-10:00 ng umaga pumasok ang Typhoon Malakas sa PAR at pinangalanan na ngayong Basyang.
Ayon sa PAGASA, ang mga lugar na nasa Signal No. 1 pa rin dahil sa Bagyong Agaton ay sa southern portion ng Masbate (Dimasalang, Cawayan, Palanas, Placer, Cataingan, Esperanza, Pio V. Corpuz); Eastern Samar; Samar; Northern Samar; Biliran; Leyte; Southern Leyte; northeastern portion ng Cebu (Daanbantayan, Medellin, City of Bogo, Tabogon, Borbon, Sogod) kabilang ang Camotes Island; at Dinagat Islands.
“Agaton is expected to continue meandering in the vicinity of Samar-Leyte area within the next 6 to 12 hours before turning more east southeastward towards the Philippine Sea beginning Tuesday night or Wednesday morning,” pahayag ng PAGASA.
Sa kanilang 11AM weather bulletin, iniulat ng PAGASA na si Basyang ay walang katiyakan na direktang makakaapekto sa weather condition ng bansa.
Sinabi pa ng PAGASA, wala ring kasiguruhan na si Basyang na direktang makakaapekto naman sa sea conditions sa buong coastal waters ng bansa.
Samantala, alas-10:00 ng umaga ang sentro ni Basyang ay tinatayang nasa layong 1,435 km east ng Southern Luzon (15.4°N, 135.0°E) at may kasamang maximum sustained winds na 120 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot sa 150 km/h, at central pressure na 975 hPa.
Ayon pa sa PAGASA, kumikilos si Basyang sa north-northwestward ng 20 km/h. May lakas ng bugso ng hangin o higit pa na nag-e-extend palabas na aabot ng 600 km mula sa sentro.
Sinabi rin ng state weather bureau na mas tumindi pa si Basyang at naging bagyo alas-8:00 ng umaga ngayong Martes habang inaasahan na patuloy pang lalakas at posibleng umabot sa peak intensity ng 150 km/h sa Miyerkules ng umaga.
“Basyang is expected to move northward in the next six hours before turning generally north northeastward for the remainder of the forecast period. The duration of the storm within the PAR region will be brief and may exit the region on Tuesday night,” pahayag pa ng PAGASA.