ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 5, 2021
Ipinag-utos na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasagawa ng "full investigation" sa pagbagsak ng C-130 military aircraft sa Sulu noong Linggo kung saan mahigit 45 ang mga nasawi.
Saad ni Lorenzana, “I have ordered a full investigation to get to the bottom of the C-130 incident, as soon as the rescue and recovery operation is completed.
“I ask everyone to join us in praying for the pilots, crew, passengers of the ill-fated C-130 aircraft as well as their families.”
Ayon naman kay Armed Forces Spokesperson Major General Edgard Arevalo sa isang panayam, umakyat na sa 50 ang bilang ng mga nasawi kabilang ang 47 sundalo at 3 sibilyan.
Sugatan naman ang 49 iba pang sundalo na dinala sa ospital.
Saad ni Arevalo, “So far, na-retrieve na po natin ang lahat ng mga labi ng ating mga sundalo na pumanaw sa aksidente na ito. Kabuuan na 47 ang na-recover natin.
“Bukod po roon sa 47 nating mga sundalo na namatay, meron pa rin pong tatlong sibilyan, hindi po sila pasahero. Kasama po sila sa ground doon sa lugar kung saan nangyari ang crash.”
Samantala, ayon sa inisyal na ulat, umalis sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City ang C-130 noong Linggo patungo sa Jolo, Sulu at pagkalapag ng eroplano sa runway ay biglang nawalan ng control at alas-11:30 nang umaga nang mag-crash ito.