ni Lolet Abania | January 11, 2021
Hiniling ng mga manggagawa at grupo ng mga employers sa gobyerno na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon para sa lahat ng miyembro ng Social Security System (SSS).
Sa isang forum, ayon kay Sonny Matula, chairperson ng isang labor group na Nagkaisa, maaaring magbigay ang pamahalaan ng kanilang contribution sa SSS base sa Section 20 ng Social Security Act of 2018.
“'Yung national government ay ni-require na magbibigay ng appropriations sa SSS annually pero hindi ito sinusunod ng ating gobyerno mula noong naitayo itong SSS,” sabi ni Matula.
“Ang nagko-contribute lang ay ang employer at workers mula 1957 maliban sa naunang P500,000 seed money ng SSS na nagmula sa gobyerno,” dagdag ng labor leader.
Ipinunto naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) chairperson at pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECP) na si Sergio Ortiz-Luis na hirap makabangon ang marami sa mga negosyante dahil labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon pa kay Luis, ang magiging dagdag na kontribusyon ng mga miyembro ng SSS ay napakahalaga sa kanila lalo na sa mahihirap.
“Marami sa mga tao natin, nawalan ng trabaho. Alam naman natin, 98% ng enterprises natin, eh, mga micro industries. Kalahati noon, halos nagsara. ‘Yung iba, nag-iisip pa kung magbubukas o hindi,” sabi ni Luis.
“Napakahalaga kahit na piso eh, dito sa time na 'to dahil kulang na kulang 'yung pera ng tao. Although, sasabihin na maliit lang naman ‘yan, eh, para naman doon sa talagang isang kahig, isang tuka, malaki 'yan, malaking bagay 'yan,” dagdag ni Luis.
Ang Social Security Act of 2018, na naipasa para matiyak ang long-term viability ng SSS' fund life, ay may mandato ng 1% dagdag sa kontribusyon ngayong taon na aabot ng monthly contribution rate na 13%.
Matatandaang noong January 4, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban ng 2021 contribution hike para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth. Noong January 6 naman, ang House Makabayan bloc ay naghain ng House Bills 8310 at 8311 para isaayos ang mga probisyon sa batas na may mandato ng awtomatikong pagtataas ng kontribusyon sa SSS at PhilHealth.
Gayundin noong January 7, inihain ni Speaker Lord Allan Velasco ang House Bills 8316 at 8317 na magbibigay ng awtoridad sa pangulo upang isuspinde ang nakatakdang pagtataas sa PhilHealth at SSS contribution rates sa panahon ng national emergencies.