ni Chit Luna @News | Dec. 21, 2024
Kinuwestiyon ng mga opisyal at eskperto sa kalusugan ang kakayahan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na gamitin ang P600-bilyong reserbang pondo nito., kabilang na ang buwis sa tabako, para mapabuti ang kalusugan ng mga Pilipino.
Inihayag ni Senate President Francis Escudero na hindi makakatanggap ng anumang subsidy ang PhilHealth sa taong 2025 dahil sa kawalan nito ng kakayahan na gampanan ang misyon nito.
Sinabi naman ni Department of Health Secretary Teodoro Javier Herbosa sa isang panayam sa TV na dapat baguhin ang kasalukuyang liderato ng PhilHealth.
Limampung porsiyento mula sa koleksyon ng tobacco excise tax ang nakalaan para sa PhilHealth at health facilities enhancements, at nilayon na pondohan ang full coverage ng mga Pilipino sa ilalim ng National Insurance Program. Ang koleksyon ng excise tax ng tabako ay nasa pinakamataas noong 2021 na umabot ng P176 bilyon, P160 bilyon noong 2022 at P135 bilyon sa 2023.
Gayunman, obligado pa rin ang mga Pilipino na magbayad ng mataas na insurance premium habang kulang sa full coverage, dahilan upang kwestyunin ang absorptive capacity ng ahensya para sa karagdagang pondo mula sa tobacco excise collections.
Sinabi ni Escudero na ang hindi pagtanggap ng anumang subsidy ng PhilHealth sa 2025 ay bunga ng pagkukulang ng ahensya.
Ayon kay Herbosa, chairman ng PhilHealth board, inatasan mismo ng board ang PhilHealth management na ayusin ang aksyon nito. Aniya, malinaw na nabigo ang PhilHealth management na gamitin ang budget nito, at dapat magkaroon ng pagbabago.
Ang pagkakaroon ng PhilHeath ng reserbang P600 bilyon ay nangangahulugan na ang PhilHealth management ay hindi gumaganap sa trabaho nito sa pagbibigay ng mga benepisyong pangkalusugan sa mga Pilipino, wika ni Escudero.
Kinumpirma ni Herbosa na ang utilization rate ng ahensya para sa 2024 budget nito ay 61 porsyento lamang, na mas mababa sa pamantayan ng gobyerno.
Tinukoy din ni Herbosa ang pagkakaroon aniya ng "field health mafia" sa loob ng PhilHealth.
Sinabi ni Herbosa na ang mas malaking isyu sa PhilHealth ay tungkol sa kung magkano ang dapat nitong matipid. Aniya, ang PhilHealth ay hindi dapat kumilos tulad ng pribadong korporasyon sa pagtitipid.
Pinuna naman ni Dr. Willie Ong, isang cardiologist, ang "hoarding" mentality ng PhilHealth.
Sinabi ni Ong na ang pangunahing layunin ng PhilHealth ay ang magbigay ng mahalagang serbisyong pangkalusugan tulad ng chemotherapy para sa mga pasyente ng kanser at mga advanced na medikal na pamamaraan.
Sinabi ni Ong na dapat hindi bababa sa P1 milyon ang ilaan ng PhilHealth para sa bawat pasyente ng cancer.
Iminungkahi niya na dapat maging libre ang angiogram, angioplasty, heart bypass, CT scan, MRI at pet scans.
Ang layunin ng PhilHealth ay tulungan ang mga mahihirap na miyembro nito, hindi ang mag-imbak ng pera, dagdag ni Ong.
Sinabi naman ni Herbosa na kailangan ayusin ang efficiency ng PhilHealth. Aniya, kailangan ng management na ituwid ang mga problema nito at sundin ang mga direktiba at estratehiya mula sa board.
Dagdag ni Herbosa, oras na para gamitin ng PhilHealth ang sobrang pera nito na ibinigay din ng gobyerno, para sa pagpapatupad ng Universal Health Care.
Sinabi ni Ong na sa ilalim ng Universal Health Care Law, dapat gamitin ng PhilHealth ang pera at magpanatili lamang ang dalawang taong buffer na nagkakahalaga ng P150 bilyon, at hindi P600 bilyon.
Nanawagan si Ong ng accountability mula sa mga opisyales ng PhilHealth at hinimok ang ahensya na sumunod sa Universal Health Care Law. Aniya, marami ang nawalan ng buhay dahil sa ‘ipon-ipon’ mentality ng PhilHealth.