ni Lolet Abania | January 13, 2021
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC) ngayong Miyerkules na ang bagong coronavirus variant na unang nadiskubre sa United Kingdom ay na-detect na sa bansa.
“The DOH and the PGC today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates on January 7 yielded positive genome sequencing results,” ayon sa kanilang pahayag.
Isang lalaki ang nagpositibong ito na residente ng Quezon City.
Umalis ang naturang Pinoy papuntang Dubai noong December 27, 2020 para sa isang business trip at dumating sa bansa noong January 7, 2021 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.
Isinailalim sa swab test at naka-quarantine sa isang hotel ang pasyente nang dumating sa bansa.
Nagnegatibo naman sa test sa SARS-CoV-2 ang kasama niyang babae sa kanyang business trip.
Kasalukuyang nagsasagawa sa nasabing babae ng mahigpit na quarantine at monitoring.
Ayon sa DOH, na-secure na ang mga flight manifest at nagsasagawa na ng contact tracing sa ibang mga pasaherong nakasalamuha ng pasyente.
Pinapayuhan din ng ahensiya ang mga sakay ng Emirates Flight No. EK 332 na makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Samantala, ang limang variants na kasalukuyang mino-monitor sa buong mundo ay ang mga sumusunod:
South Africa: 501Y.V2, nakitaan sa 10 bansa
Malaysia: 1701V
Nigeria: P681H
Denmark: Cluster 5
China: D614G, most widespread and dominant