ni Jasmin Joy Evangelista | December 14, 2021
Dumating na sa NAIA Terminal 3 nitong Lunes (Dis. 13) ng gabi ang eroplanong may dala ng 859,950 doses ng government-procured Pfizer COVID-19 vaccines.
Kasunod nito ay dumating din sa NAIA Terminal 3 nitong Lunes (Dis. 13) ng gabi ang eroplanong may dala ng 1,526,400 doses ng Janssen COVID-19 vaccines na donasyon naman ng Dutch government sa pamamagitan ng COVAX Facility.
Ang mga karagdagang vaccine supply na ito ay lumapag sa Ninoy Aquino international Airport Terminal 3, bandang alas-9:00 ng gabi.
Nasa 37 milyon indibidwal na sa bansa ang fully vaccinated kontra-COVID-19.
Samantala, ibinalita ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Sec. Carlito Galvez, Jr. na nalagpasan na ang target ng pamahalaan na bilang ng mga COVID-19 vaccine doses na matatanggap ng bansa.
Tinatayang nasa 158 milyong doses na ng bakuna ang dumating sa bansa, habang 24 milyong doses pa ang inaasahang darating ngayong linggo.
Kumpiyansa rin ang pamahalaan na makakamit nito ang target na 54 milyong COVID-19-fully vaccinated na mga Pilipino sa pagtatapos ng taon.