ni Jasmin Joy Evangelista | February 5, 2022
Lumapag na sa bansa ang 780,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga batang edad 5 hanggang 11, nitong Biyernes ng gabi.
Ang mga bakunang ito na binili ng gobyerno ay dunating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 bandang 9 p.m.
Ayon kay Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., sisimulan ang vaccination roll out sa naturang age group sa Lunes, February 7, 2022.
“Masaya kaming binabalita na matutuloy na ang ating rollout sa pagbabakuna para sa batang edad 5 hanggang 11 sa Lunes. Gusto ko pong siguraduhin ang ating mga magulang na ang mga bakunang ito ay ligtas at masusing pinag-aralan ng mga pinakamahusay sa buong mundo,” ani Galvez.
Hinikayat din ni Galvez ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang anak kontra-COVID-19.
Nang tanungin naman hinggil sa petisyon sa temporary restraining order laban sa vaccination rollout, sinabi ni Galvez na “May kumpiyansa kami na makikita ng ating mga judges yung magiging merit ng TRO at we are very confident that many people, many parents, and also overwhelmingly ang ating mga mamamayan susuportahan po tayo dahil nakikita po natin na malaki ang pakinabang ng bakuna dito sa pandemya.”
“We cannot go out to the new normal without the vaccine so nakikita namin na we will proceed,” dagdag niya.
Matatandaang iniurong ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 sa Lunes, February 7, dahil sa logistical challenges.