ni Lolet Abania | April 22, 2021
Darating sa bansa ang COVID-19 vaccines na gawa ng Gamaleya Research Institute ng Russia at Pfizer simula sa susunod na linggo, ayon sa deputy chief implementer against COVID-19 na si Secretary Carlito Galvez, Jr..
Sa isang news conference sa Palasyo ngayong Huwebes, sinabi ni Galvez na inisyal na 15,000 Sputnik V doses ang inaasahang darating sa April 25, habang ang susunod na batch na 480,000 doses ay ipadadala sa bansa sa April 29, kasabay din ng 500,000 Sinovac doses.
Ayon pa kay Galvez, ang 195,000 doses ng Pfizer vaccine mula sa COVAX Facility ay darating sa katapusan ng buwan.
Nakatakda namang magbakuna sa mga mamamayan nang 1 hanggang 2 milyong Sputnik V shot sa Mayo at 2 milyon naman sa Hunyo.
Sinabi rin ni Galvez na inaasahang dumating ang inisyal na 194,000 doses ng Moderna vaccine sa Mayo.
Samantala, aabot na sa 1.4 milyong Pinoy ang nabakunahan kontra COVID-19 nang simulan ang mass immunization campaign noong Marso 1, ayon sa datos ng gobyerno.