ni Lolet Abania | May 8, 2021
Tinatayang nasa 193,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine ang inaasahang darating sa Lunes, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Duque, ang mga nasabing bakuna ay ibibigay sa NCR Plus -- National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, kabilang din ang Cebu, Davao, at iba pang pangunahing lungsod na kayang makasunod sa temperature requirements ng Pfizer.
Kinumpirma ng pinakamalaki at pinakamalawak na pag-aaral sa buong mundo ng Pfizer vaccine na ang naturang bakuna ay nakapagbibigay ng mahigit sa 95 percent protection laban sa COVID-19.
Gayunman, nabatid din na bumababa ang lebel nito kapag ang isang indibidwal ay nakatanggap lamang ng isa sa dalawang prescribed doses. Ayon pa kay Duque, ang Pilipinas ay inaasahang mabibigyan ng 1.1 milyong doses ng Pfizer mula sa COVAX Facility, 500,000 doses ng Sinovac vaccine, at 2 milyong doses Sputnik V vaccine ngayong taon.