ni Mylene Alfonso @News | August 12, 2023
Dinoble ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa social pension ng indigent senior citizens sa bansa kung saan mula sa P500 na buwanang pensyon ay magiging P1,000 na.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nasa P49.81 bilyong pondo ang inilaan sa social pension para sa 2024 National Budget. Doble umano ito mula sa P25.30 bilyong pondo sa 2023 General Appropriations Act (GAA).
"The budget for social pension for indigent senior citizens will be doubled to P49.81 billion to cover the increased government monthly allowance of P1,000 for more than 4 million indigent senior citizens who are not part of the pension system," pahayag ni Pangandaman.
Ang programa ay nagbibigay ng karagdagang tulong ng gobyerno na P500 buwanang allowance upang madagdagan ang pang-araw-araw na gastusin at iba pang pangangailangang medikal ng mga mahihirap na senior citizen na mahihina, may sakit, o may kapansanan; na walang regular na kita o suporta mula sa pamilya at mga kamag-anak; at walang pensyon mula sa pribado o institusyon ng gobyerno.
Nabatid na nagsimula noong 2011 ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPIC) Program sa pamamagitan ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.