ni Lolet Abania | September 23, 2021
Pormal nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban Cusi faction para sa pagtakbo niya bilang bise-presidente sa 2022 elections.
Naglabas ng isang larawan ang PDP-Laban Cusi faction habang makikitang pinipirmahan ni Pangulong Duterte ang Certificate of Nomination Acceptance (CONA) para kumpirmahin ang pagtanggap niya sa nominasyon.
Nang tanungin naman sa kanyang regular na press briefing ngayong Huwebes kung ang desisyon ni Pangulong Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente ay pinal na, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala siyang physical access sa Pangulo sa ngayon dahil siya ay isinailalim sa facility quarantine.
Gayunman, ipinahayag ni Roque sa publiko na hintayin na lang ang magiging development nito sa Oktubre 8, ang huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy hanggang Nobyembre 15, ang huling araw naman ng substitution o pagpapalit ng opisyal na kandidato.
Matatandaan na noong Setyembre 8, verbal na tinanggap ni Pangulong Duterte ang nominasyon sa ginanap na national assembly ng PDP-Laban faction na pinamunuan ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi.
Para sa pagka-pangulo, pinili naman ng naturang faction si Senador Bong Go subalit tinanggihan niya ito. Si Go ay isang long-time aide ng mga Duterte.