top of page
Search

ni Lolet Abania | April 5, 2022



Mahigit sa P3.4 milyon halaga ng 500 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Malate, Manila, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


Sa isang pahayag, kinilala ng NCRPO ang suspek na si Tato Sali o “Tohanmi” na naaresto nitong Linggo sa Barangay 702 sa isinagawang joint operation ng Malate Police Station (MPS), Manila Police District (MPD), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office IV-A.


Ang suspek ay itinurn over na sa PDEA para sa pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag nito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinuri naman ni NCRPO chief Police Major General Felipe Natividad ang pulisya sa ikinasang operasyon at nagbabala sa mga drug pushers na patuloy na hahabulin sila ng mga awtoridad.


“Tigilan ninyo ang pagbenta ng iligal na droga at wala kayong puwang sa matahimik at mapagsumbong na mga mamamayan na masusing binabantayan ng ating mga kapulisan sa Kalakhang Maynila,” sabi ni Natividad.


 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2022



Arestado ang 10 indibidwal matapos na makuhanan umano ng tinatayang isang tonelada ng hinihinalang shabu sa inilatag na checkpoint ng mga awtoridad sa Infanta, Quezon, madaling-araw ngayong Martes.


Sa ulat, sakay ng tatlong van ang mga suspek habang naharang ang mga ito sa isang checkpoint sa Barangay Cumon, Infanta, Quezon. Nang inspeksyunin ng mga awtoridad ang van tumambad sa kanila ang mga hinihinalang shabu.


Agad ding inaresto ng (National Bureau of Investigation) NBI Task Force on Illegal Drugs at Philippine National Police (PNP)-Quezon ang mga suspek habang nakumpiska sa kanila ang halos isang tonelada ng hinihinalang shabu.


Sa ngayon, nagsasagawa na ng inventory sa NBI Taytay, Rizal.


Hindi pa mabatid ng mga awtoridad, kung saan nanggaling at dadalhin ang mga hinihinalang shabu na anila, sinubukang ipuslit ng mga suspek palabas ng Infanta, Quezon.


Ayon sa pulisya, posibleng nanggaling pa umano ito sa Pasipiko.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

 
 

ni Lolet Abania | March 9, 2022



Arestado ang umano’y drug kingpin at kasamahan nito, matapos makakumpiska ang mga awtoridad ng P1 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang operasyon sa Valenzuela City nitong Martes.


Sa isang statement ngayong Miyerkules ng Philippine National Police (PNP), ipinahayag nitong nagsagawa ang kanilang mga tauhan at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang joint buy-bust operation sa Barangay Karuhatan.


Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Tianzhu Lyu, 32-anyos, ng Fujian, China, at Meliza Villanueva, 37-anyos, ng Concepcion, Tarlac.


Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang sa 160 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.088 bilyon.


Nakuha rin mula sa mga suspek ang apat na smartphones, isang basic analog phone, isang weighing scale, iba’t ibang identification cards, at isang bundle ng mga dokumento.


Ayon sa pulisya, ang dalawang nadakip na suspek ay kilalang drug dealers sa mga lugar sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa kanila.


“The PNP vows to sustain with vigor anti-illegal drug police operations with a greater focus on high-value targets engaged in trafficking and distribution of illegal drugs, of course, in coordination with PDEA, to help boost the government’s campaign for criminal justice,” sabi ni PNP chief Police General Dionardo Carlos.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page