top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 7, 2022



Nasabat ang may tinatayang P1.9 milyong halaga ng "kush" o high-grade marijuana mula sa isang Nigerian national, kasunod ng isinagawang controlled delivery operation ng anti-drug authorities sa Angeles City, Pampanga noong Huwebes nang hapon.


Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Luzon (PDEA-3), kahapon ng Biyernes ay tinukoy ang suspek na si Madu Ogechi Uzoma, residente ng Concubierta Street, Sunset Valley Mansions, Brgy. Cutcut sa Angeles, Pampanga.


Ang package na naglalaman ng iligal na droga ay sinasabing nagmula sa Greenwich, Connecticut, USA, at dumating sa Bureau of Customs-Port of Clark, nitong nakaraang Abril 29.


“The shipment was subjected to the K9 sweeping and physical examination which gave a positive indication of illicit drugs,” ayon sa PDEA.


Nakumpiska mula kay Madu ang tinatayang 1,500 gramo ng kush na mayroong street value na P1.95-M at isang driver's license.


Naging matagumpay ang operasyon sa pagkilos ng PDEA-Central Luzon, katuwang ang Bureau of Customs-Port of Clark at ang lokal na kapulisan.


Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang Nigerian national.


 
 

ni Zel Fernandez | April 19, 2022



Pinasinayaan ni Deputy Director General for Operations, Asec. Gregorio R. Pimentel ang pagkakaloob ng monetary rewards sa mga confidential informants sa ilalim ng programa ng PDEA Operation: “Private Eye” na pinamumunuan ni Director General Wilkins M. Villanueva, kaninang alas-10 ng umaga sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.


“Today, over 10 million pesos in monetary rewards will be awarded. This, in recognition to the courage of ordinary citizens who have given crucial information leading to the arrest of illegal drug traffickers and the seizure of large volume of illegal drugs,” ani Asec. Pimentel.


Labing-apat na sibilyan ang pinagkalooban ng kabuuang ₱10,262,337.03 cash rewards matapos ang 22 matagumpay na operasyon ng PDEA kontra-droga sa nagdaang taong 2021.


Kabilang sa mga confidential informants na tumanggap ng pabuya ay kinilala sa mga alyas na ‘Myay’, ‘Salonga’, ‘Bonky’, ‘Dream’ at ‘Palanyag’ na pawang mga tumanggap ng monetary rewards na may katumbas o higit pa sa 500 milyong piso bawat isa.


Samantala, ang iba pang mga PDEA confidential informants na tumanggap ng pabuya na mababa sa halagang 500 milyong piso ay itinurn-over ang paggagawad sa kanilang mga PDEA Regional Offices upang mapanatili ang pagsunod sa mga health protocols at maiwasan ang physical crowding sa ginanap na seremonya.


Sa ilalim ng programang Operation: “Private Eye”, binibigyan ng pagkakataon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga ordinaryong mamamayan na makibahagi sa pakikipaglaban ng kawani sa iligal na droga sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga law enforcement units na masawata ang mga illegal drug traffickers sa bansa.


Panghihikayat ni Asec. Pimentel, kahit sino ay maaaring makibahagi sa kanilang programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ‘Isumbong Mo Kay Wilkins’ platform, pagtawag sa PDEA hotlines at pagpapadala ng email o liham sa kanyang opisina.


Gayundin, para umano sa mas ligtas na paraan ng pakikibahagi sa kanilang operasyon kontra-droga, maaari rin umanong mag-walk-in sa mga PDEA regional offices at mag-report sa mga intelligence officer. Tiniyak naman ng kalihim ang seguridad sa pagkakakilanlan at kaligtasan ng kanilang mga confidential informants.



 
 

ni Lolet Abania | April 10, 2022



Nilinaw ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Linggo na ang mga tsuper na gumagamit ng bus terminal ay nagnegatibo sa test sa ipinatupad na drug testing noong nakaraang linggo.


Ginawa ni PITX Spokesperson Jason Salvador ang paglilinaw matapos ang mga lumabas na reports na may apat na drivers ang positibo sa test sa ginawa nilang random drug testing.


Gayunman, ayon kay Salvador, ang mga naturang tsuper ay naka-deployed sa ibang terminal at hindi sa PITX.


Nitong Sabado, sinabi naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mayroong 61 public utility vehicle (PUV) drivers, conductors, at dispatchers ang naiulat na positibo sa test sa ilegal na droga bago pa ang Semana Santa.


Ayon sa PDEA, tinatayang nasa 4,210 indibidwal ang sumailalim sa screening sa ginanap na nationwide implementation ng Oplan Harabas ng ahensiya nitong Biyernes kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa Mahal na Araw.


Samantala, ngayong Palm Sunday o Palaspas, kakaunti ang mga pasaherong makikita sa PITX kumpara noong mga nakalipas na araw.


Sinabi ng pamunuan ng PITX na inaasahan naman nila na ang volume ng mga pasahero ay tataas mula Holy Tuesday hanggang Good Friday dahil sa pag-uwi ng mga tao sa kani-kanilang mga probinsiya nitong Semana Santa.


Ipinahayag ni Salvador sa isang interview na ang bilang ng mga pasahero sa PITX ay umabot sa mahigit 100,000 nitong Biyernes.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page