ni Eli San Miguel - Trainee @News | February 8, 2024
Winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halagang P4.51 bilyon ng shabu, droga, at kemikal nitong Huwebes gamit ang thermal decomposition sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martires City, Cavite.
Sa isang pahayag, sinabi ng PDEA na ganap na na-decompose ang lahat ng mapanganib na droga at hindi na maaaring ibalik sa dating anyo matapos silang mapasaialim sa temperatura na higit sa 1,000 degrees Celsius.
Pinangunahan ni PDEA Director General Moro Virgilio M. Lazo ang operasyon kung saan sinira ang nakaimbak na mga ilegal na droga at CPECs na may timbang na 1,288,799.7371 gramo.
“Included in the destruction is approximately 530 kilograms (529,704.6 grams) of methamphetamine hydrochloride or shabu seized by the National Bureau of Investigation (NBI) in Mexico, Pampanga in Sept. last year,’’ saad ng PDEA.
Bukod sa shabu, kabilang sa mga ilegal na droga at CPECS ang 535,352.3195 gramo ng marijuana, 3,219.0132 gramo ng ecstasy, at 7,423.58 gramo ng cocaine.