ni Zel Fernandez | May 3, 2022
Malugod na ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) ang tinatayang P161.32 milyong halaga umano ng mga agri-fishery development projects sa iba’t ibang asosasyon ng mga magsasaka at kooperatiba sa Ilocos Norte.
Pinangunahan ni Sec. William Dar at Ilocos Norte Governor Matthew Joseph Manotoc ang paggawad at pamamahagi ng iba’t ibang post-harvest facility, irigation network services kabilang ang mga productions inputs para sa mga magsasaka at mangingisda mula sa una at ikalawang distrito ng lalawigan.
Ayon sa DA, sa pangkalahatan ng naturang proyekto, ang serbisyong irigasyon ang may pinakamalaking halaga na aabot umano sa mahigit P50 milyon.
Kaugnay nito, limang DA attached agencies ang naggantimpala ng iba’t ibang kaukulang proyekto sa mga magsasaka at mangingisda na tinatayang aabot naman sa higit P80 milyon.
Gayundin, nasa mahigit P20 milyon naman anila ang ipinamahagi mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), habang mahigit P600 libo naman ang nanggaling sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Kasunod ng mga suportang ipinagkakaloob ng ahensiya sa pagpapabuti ng pagsasaka at pangingisda sa Ilocos Norte ay nagpasalamat naman si Gov. Manotoc sa mga interbensyong ito ng DA na pakikinabangan ng kanilang sektor sa agrikultura at pangingisda.