ni Mai Ancheta @News | September 6, 2023
Nauwi sa trahedya ang pagsaklolo ng isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig habang nasa search and rescue operation sa Sitio Daeng, Bgy. Halog East, Tubao, La Union nitong Martes.
Kinilala ang biktima na si Petty Officer Third Class Ponciano Nesperos, miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon.
Ayon sa PCG, nagresponde ang grupo ni Nesperos sa isang insidente ng pagkalunod dahil sa patuloy na masamang panahon.
Nawalan umano ng balanse si Nesperos habang nagkakabit ng "safety line" kaya ito nahulog sa ilog at tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Agad na-recover ng mga kasama ang katawan ni Nesperos subalit wala itong malay kaya agad na dinala sa La Union Medical Center. Gayunman, idineklarang dead-on-arrival ang biktima.
Nagpaabot ng pakikiramay ang buong hanay ng PCG sa pamilya ni Nesperos at kinilala ang serbisyo nito na hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay inialay sa pagsisilbi sa bayan.