ni Angela Fernando - Trainee @News | December 6, 2023
Malaki ang ibinababa ng bilang ng mga barkong pandagat ng China sa Julian Felipe Reef, ayon sa pahayag ng militar ngayong Miyerkules.
Ito ay matapos ihayag ng isang mataas na mambabatas na magpadala ng mas maraming barko ng Philippine Navy upang pigilan ang presensya ng nasabing bansa sa West Philippine Sea.
Saad ni Philippine Navy Vice Admiral Alberto Carlos ng Western Command, ang bilang ng mga sasakyang pandagat ng China na nasa lugar ay malaki ang ibinaba mula sa 135 na dami nito kamakailan.
Dagdag niya, kasalukuyan pang tinitingnan ang lokasyon ng mga sasakyang pandagat.
Aniya, kasama sa standard operating procedure ng 'Pinas pagdating sa mga vessel ng China ang paglabas ng mga radio challenge at pagsusuri sa presensya ng mga ito.
Ayon pa kay Carlos, laging nandoon ang Philippine Navy at ang Philippine Coast Guard sa tuwing nakikita nila ang pagtaas sa presensya ng mga sasakyang pandagat ng dayuhang bansa sa teritoryo ng WPS.
Sa kabilang banda, nagpahayag si House Deputy Minority Leader France Castro ng pagkadismaya dahil sa pagpasok ng China sa bahagi ng bansa sa kabila ng ipinapakitang pagtutol at mga diplomatikong protesta ng mga Pinoy at sinabing hindi gumagana ang existing procedures na sinasabi ng Philippine Navy.