ni Lolet Abania | November 30, 2020
Isa ang namatay habang 22 ang nakaligtas matapos na isang passenger boat ang tumaob at lumubog sa Atimonan, Quezon ngayong Lunes nang umaga, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa report ng Quezon Provincial Police, nailigtas ang 17 pasahero at limang crew members ng M/B Gesu Bambino.
Sa hiwalay na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), isang crew member ang nalunod sa naganap na insidente.
Base sa report ng pulisya, umalis ang Gesu Bambino sa Atimonan Feeder Port patungong bayan ng Perez bandang alas-11 ng umaga. Naglalayag pa lamang ang M/B Gesu Bambino sa tinatayang 500 metro ang layo mula sa port nang humampas ang napakalakas na alon bandang alas-11:30 ng umaga kaya tumaob at lumubog ang nasabing barko, ayon pa sa pulisya.
Matapos ang insidente, agad na rumesponde ang Jenalyn Shipping Lines at ipinadala ang M/V Pinoy RORO habang isa pang kumpanya ang nagpadala rin ng cargo boat mula Alabat upang mai-rescue ang mga pasahero ng Gesu Bambino.
Gayundin, agad na nasagawa ng search-and-rescue operations ang kawani ng Atimonan Feeder Port, PCG, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Atimonan Police.
Inabot ng isang oras bago nai-rescue ang 22 pasaherong sakay ng nasabing barko. Dinala rin ang mga nakaligtas sa isang ospital sa Alabat para isailalim sa medical checkup.