ni Lolet Abania | May 23, 2022
Nasa tinatayang pitong indibidwal ang nasawi habang 24 ang nasugatan matapos na masunog ang isang passenger boat sa baybaying lalawigan ng Quezon ngayong Lunes ng umaga, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
“Merong pitong patay,” pahayag ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo sa isang radio. Ani Balilo, lima sa mga nasawi ay mga babae at dalawa namang lalaki.
Sinabi rin ng PCG, tatlo sa mga na-rescue ay nasa kritikal na kondisyon. Base report ng PCG, nasa 134 ang aktuwal na bilang na mga sakay ng bangka, kabilang dito ang 10 crew members. Ayon naman kay Police Major General Rhoderick Armamento, police commander sa Southern Luzon area, lahat ng mga pasahero na lulan ng bangka ay hawak na nila.
“’Yung pinakalatest ‘yung bata na-recover na ngayon lang, minutes ago. As of this very moment, ‘yung reported na 134 passengers ay accounted na unless na may other reports pa na papasok... kanina isa na lang ang hinahanap natin, minutes ago na-recover na ‘yung bata na eight years old,” saad ni Armamento sa parehong radio interview.
Sinabi ni Armamento na pinag-uusapan na ng pulisya, local government officials, PCG, mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management (MDRRM) ang naganap na insidente.
Binanggit naman ni Balilo na ang passenger vessel ay may record na ng isang insidente ng paglubog nito. “Alam ko meron ‘tong lubog dati pero hindi naman ito luma. Itong mga Mercraft, bago ito,” pahayag ni Balilo.
Batay sa isang report mula sa local government unit (LGU) ng munisipalidad ng Polillo, ang bangkang MV Mercraft 2 ay umalis ng isla bandang alas-5:00 ng madaling-araw at patungo ito sa munisipalidad ng Real sa Quezon.
Pasado alas-6:00 ng umaga, ang kapitan nito ay nagbigay ng abandon ship command habang sumiklab na ang sunog sa loob ng bangka. Sinabi pa ni Balilo, ang bangka ay nagsimulang masunog nang tinatayang nasa 1000 yards na ito mula sa Port of Real.
Sa naunang report ni Balilo, nasa tinatayang 6 na pasahero ang dinala sa pinakamalapit na ospital. Aniya pa, hindi naman overloaded ang bangka base sa passenger manifest na hawak nila.
Patuloy pa ang mga awtoridad na nagsasagawa ng search and rescue operations sa lugar. Inaalam na rin nila ang sanhi at pinagmulan ng sunog sa loob ng naturang pampasaherong bangka.