ni Rey Joble @Sports News | Oct. 2, 2024
Walang makakaawat sa isang determinadong TNT Tropang Giga, ang nagtatanggol na kampeon ng PBA Governors’ Cup. Muling tumibay ang tsansa ng Tropang Giga na depensahan ang kanilang titulo matapos magaang na idispatsa ang NLEX Road Warriors, 125-96 sa 2nd game nitong Martes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Gaya nang inaasahan, double-double na laro na naman ang nakumpleto ni dating Best Import Rondae Hollis-Jefferson na nagpakawala ng 35 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang Tropang Giga papasok sa semifinal round at samahan dito ang Barangay Ginebra. Bukod kay Hollis-Jefferson, solidong mga laro rin ang ipinakita ng lima pang miyembro ng mga Ka Tropa.
May 19 puntos na naiambag si Rey Nambatac, na muling maglalaro sa semifinal round makalipas ang ilang taon. Isa siya sa mga bagong players na nakuha ng Tropang Giga bago magsimula ang 49th season. Tumipa si Roger Pogoy ng 18 puntos habang double-double din ang nakumpleto ni Calvin Oftana na may 11 puntos at 10 rebounds. May 11 puntos na nalikom si Glenn Khobuntin habang 10 kay JP Erram.
“Two things, by looking at the stats, first our turnovers,” ang sabi ni TNT coach Chot Reyes. “We were among the teams with the fewest turnovers in the elimination round, but in Game 2 we have 16, but now we have 17. That’s too high for us. So that’s something we have to take a look at.” “Number two is our free throw percentage. We just need to make sure that we do a better job making our free throws in the semifinals.”