ni Rey Joble @Sports News | Oct. 10, 2024
Nagpakitang-gilas si Rey Nambatac sa dati niyang koponang Rain or Shine at gabayan ang TNT tungo sa 90-81 panalo sa pagbubukas ng kanilang PBA Governors’ Cup best-of-seven semifinals series sa Philsports Arena nitong Miyerkules ng gabi.
Bumomba ng 11 sa kanyang natipong 14 na puntos si Nambatac sa third quarter kung saan tuluyang lumayo ang Tropang Giga matapos magbuhos ng 36 puntos, mas marami ng 13 kontra sa Elasto Painters.
Pitong taong naglaro si Nambatac sa Elasto Painters kung saan umusbong ang kanyang career, pero na-trade siya ng koponan noong nakaraang komperensiya at dumaan siya sa Blackwater bago tuluyang naisadlak sa TNT bago magsimula ang simula ng 49th season.
Panigurado sa basket ang pinakawalan ni Talk N Text Tropang Giga point guard Jayson Castro at hindi alintana ang depensa ng katunggaling si Gabe Norwood ng Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang sagupaan para sa season 49th PBA Governors cup semifinals game 1 best of 7 series sa PhilSports Arena, Pasig City kung saan nanaig ang Tropang Giga sa Elasto Painters 90 - 81. (Reymundo Nillama)
Pero bukod sa gigil na makapagpakita kontra kanyang dating koponan, mas nanaig ang determinasyon ni Nambatac na tulungan ang nagtatanggol na kampeong Tropang Giga na umabante sa semifinal round.
“He started kinda over excited,” ang sabi ni TNT coach Chot Reyes. “I had to tell him to calm down, relax and pick his spots. Medyo nanggigigil siya nu'ng start that’s why we replaced him right away with Jayson (Castro).”
“So when we brought him back, he already have a clear mind. I cannot speak for him, but more than the desire to do well against his former team, it’s really his desire also to do well in the semifinal series.”
Nagdagdag din ng 9 na rebounds si Nambatac. Halos triple-double ang nilaro ni dating Best Import na si Rondae Hollis-Jefferson na nagtala ng 26 puntos at sumikwat ng 13 rebounds. May nakumpleto rin siyang siyam na assists at may nalikom na limang agaw at apat na supalpal.