ni Rey Joble @Sports | Oct. 14, 2024
Solidong kinumpleto ni Aaron Fuller ang laro kung saan nagbuhos siya ng 26 puntos at 16 na rebounds, pero higit na mas naging importante ang kanyang three-point play sa dulo ng laro. Photo: PBA PH
Humihinga pa at tila walang planong sumuko ang Rain or Shine Elasto Painters at nitong Linggo ng gabi, ipinakita ng mga bataan ni coach Yeng Guiao na kaya nilang makipagsabayan sa nagtatanggol na kampeon na TNT Tropang Giga.
Nawala man ang 15 puntos na kalamangan, hindi sinayang ng import na si Aaron Fuller ang pagkakataon para pamunuan ang Elasto Painters sa makapigil-hiningang 110-109 panalo sa City of Dasmarinas Arena sa Cavite.
Kinumpleto ni Fuller ang solidong laro kung saan nagbuhos siya ng 26 puntos at 16 na rebounds, pero higit importante ang kanyang three-point play sa dulo ng laro na siyang nagtawid sa Rain or Shien tungo sa panalo. Ito ang unang panalo ng Elasto Painters kontra Tropang Giga sa kanilang best-of-seven semis series kung saan lamang pa rin ang TNT, 2-1.
“We were able to hang in there against a strong team with a great import,” ang sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao. “Poy Erram played one of his best games and we were able to survive that. Every game is a learning process, learning experience for us.
Mabuti nailusot namin ito kasi ayaw naming ma-sweep ulit katulad yung nangyari sa nakaraang series against San Miguel.” May pagkakataong maitabla ng Elasto Painters ang serye na magbabalik sa Miyerkules kung saan inaasinta nila ang panalo sa Game 4 sa Smart Araneta Coliseum.
“We’ll just have to keep on improving from what we did today,” dagdag pa ni Fuller. Para naman kay Guiao, isa itong magandang simula para mapatibay ang kanilang tsansa na makapasok sa finals.
“After that Game 2 loss, ang iniisip lang namin, manalo lang muna ng isa. Mahirap naming pangarapin mong makapunta sa finals na hindi ka pa nananalo ng isa,” dagdag pa ni Guiao.
“Nakita namin yung mga mali namin sa video and I’d like to give credit to my assistant coaches for putting together in helping out the videos and formulating game plans.”