ni Angela Fernando - Trainee @News | April 11, 2024
Iniimbestigahan ng mga otoridad ang posibleng lokasyon ng lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Apollo Quiboloy matapos hindi makita sa kanyang mga ari-arian sa Davao City at Samal Island, ayon sa Philippine National Police (PNP) sa isang pahayag nitong Huwebes.
Nagpahayag si PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na tinulungan ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado sa pagbibigay ng arrest warrant kay Quiboloy nu'ng Miyerkules.
“Tatlo po yung lugar na pinasyalan po nila kahapon but unfortunately wala nga po doon at hindi natsempuhan doon si Pastor Quiboloy,” saad ni Fajardo sa press briefing.
Tanging ang mga abogado lang din ni Quiboloy ang tumanggap ng arrest order mula sa OSAA.
Pinayagan din naman ng mga abogado ang pulisya na suriin ang ilang kwarto sa nabanggit na mga ari-arian.
Samantala, binigyang-diin naman ni Fajardo na may ilang mga lugar silang sinusuri ngunit hindi niya maaaring ibunyag ang mga lokasyon.