top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Pinagkalooban ng gratuity pay ng Pasig City ang mga local government workers na edad 65 pataas na nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19 pandemic na P10,000 para sa bawat taon ng kanilang pagseserbisyo, ayon kay Mayor Vico Sotto.


Saad ni Sotto sa kanyang Facebook post, “Kadalasan kapag magreretiro na ang ‘volunteer status’ na staff ng LGU, wala na, ‘yun na ‘yun. Ngunit para sa mga 65 yrs. old pataas na forced retirement dahil sa pandemya, pinilit nating magkaroon sila ng SEPARATION PAY o ‘gratuity pay’ sa halagang P10K para sa bawat taon na nasa ilalim sila ng LGU. (Para sa mga Pasig Health Aide, may plus 5k/year pa para sa mga taon na Barangay Health Worker (BHW) pa lang sila).”


Aniya, ang hakbang na ito ay bilang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa kanilang paglilingkod.


Saad pa ni Sotto, “Ito po ay bilang pasasalamat sa kanilang paglilingkod sa ating lungsod... lalo na sa ating mga PHA (Pasig Health Aide), na nagsilbing pundasyon ng ating serbisyong pangkalusugan sa mga barangay health centers. Ibang klase ang sipag at dedikasyon nila. Deserve nila 'to.”


Dagdag pa ni Sotto, “Alam kong may iba sa kanila na gusto pa sanang magtrabaho... kaso napakahirap din talaga ng pinagdaraanan nating pandemya... Hindi rin naman fair na patuloy silang may allowance samantalang bawal pumasok dahil 65 yrs. old pataas… Limitado lang din naman ang puwedeng i-hire ng LGU kaya natin pinilit na mabigyan sila nitong separation pay…


“Sana, makatulong ito para may maitabi sila o makapagsimula ng maliit na negosyo.”


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 20, 2021




Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay San Miguel, Pasig City pasado alas-8 kagabi, kung saan halos 60 kabahayan ang natupok.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas sa ikalawang alarma ang sunog at pasado 10:37 nang gabi nang ideklarang fire under control na.


Kuwento pa ng ilang nasunugan, sa kasagsagan ng sunog ay nagputukan ang mga kalan kaya mas lumala ang apoy at mabilis 'yung kumalat dahil na rin sa light materials. Isa naman sa mga itinuturong dahilan kaya nahirapan sa pag-apula ang mga bumbero ay ang makipot na daan papasok sa Athena Residences.


“As of 11 pm, fire out na sa Tambakan 3 San Miguel. Seventy-two pamilya ang unang bilang ng naapektuhan ng sunog,” sabi pa ni Pasig Mayor Vico Sotto.


Pansamantala namang nag-evacuate sa San Miguel Elementary School ang mga nasunugan.


Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon sa nangyaring sunog.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 12, 2021




Umapela si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga nagpapadala sa kanya ng larawan ng pagpapabakuna sa puwet sa isinagawang COVID-19 vaccination program sa lungsod.


Ayon kay Sotto, dalawang tao ang nagpadala sa kanya ng larawan kung saan makikitang binabakunahan sila sa puwet.

Aniya, “So, minsan may nagpapadala sa akin, parang nakadalawa na yata ano, picture nila, binabakunahan sila sa puwet. Ngayon, okay lang naman na mabakunahan sa puwet, normal ‘yan, medikal naman ang usapan, pero pakiusap, ‘wag n’yo na pong i-send sa akin.


"Ang dami ko na pong iniisip, ‘wag n’yo na pong idagdag 'yung puwet ninyo sa iniisip ko."


Ayon kay Sotto, ang ilang residente ng Pasig na may tattoo sa kanilang braso ay maaaring bakunahan sa puwet.


Aniya pa, “Nabanggit ko nga kanina, may mga nagse-send sa akin ng picture pero alam n’yo, nagpapasalamat ako roon, ‘no! (Pero) minsan kasi, 'pag may tattoo, bawal magpaturok sa braso, hindi puwede sa tattoo side ‘yung injection, eh.


"'Pag sa braso, okay lang, i-send n’yo sa ‘kin. Pero sa mga iba, kung sa puwet, ‘wag n’yo na pong i-send.”


Simula noong Marso, ipino-post ni Sotto sa kanyang social media account ang larawan ng mga medical frontliners at iba pang residente ng Pasig City na nabakunahan na.


Samantala, ayon sa Public Information Office, ngayong Lunes, may 3,455 kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pasig City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page