ni Jasmin Joy Evangelista | December 4, 2021
Sinagot ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang batikos ni dating Mayor Bobby Eusebio na hindi nararamdaman ang diwa ng Pasko sa lungsod dahil walang makikitang mga pailaw at Christmas decorations.
“Mayroon naman, hindi lang siguro siya nakakaikot, hindi lang ganoon karami,” pahayag ni Mayor Vico hinggil sa social media post ni former Pasig Mayor Bobby Eusebio sa kakulangan ng holiday decor sa lungsod.
Ayon pa kay Sotto, priority nila ang pagpapamahagi ng Christmas food packs sa lahat ng households sa lungsod.
“Halimbawa, ang nabibigyan lang dati ng Pamaskong Handog, kung sino lang yung malapit sa nakaupo. Ngayon binibigyan natin lahat ng bahay dito. 'Yun 'yung hinahanap ng tao," paliwanag ng alkalde.
“Ako, bilang mayor, kung ano 'yung gusto ng tao, 'yun 'yung binibigay natin using their funds," dagdag niya.
Umabot sa P234.6 milyon ang halaga ng food packs na siyang ipapamahagi sa 375,000 kabahayan sa Pasig City.
Sa ilang social media post, binatikos ni Eusebio ang kasalukuyang local administration dahil hindi umano nag-effort na lagyan ng Christmas decorations ang Pasig City.
“Parating na siya si Hesukristo ang ating manunubos. Pasig, Ano na ang nangyari? Walang parol? Walang kumukutitap sa kalsada? Hindi maramdaman ang diwa ng Pasko," pahayag ng former mayor.
“Saludo kami sa mga LGUs, Barangays, na patuloy sa paggunita ng Kapaskuhan sa kabila ng pandemic ay hindi ito naging hadlang upang ibahagi ang diwa ng Pasko sa kani-kanilang mga nasasakupan," dagdag niya.
Sagot naman ni Mayor Vico, “It's a matter of prioritization lalo na sa panahon ng pandemiya. Parang hindi rin tama na sobrang magarbo.”
"May ilaw naman, hindi lang ganun ka bongga, but mayroon pa rin naman," dagdag pa ni Sotto.