ni Mary Gutierrez Almirañez | February 24, 2021
Limampu't limang barangay na sa Pasay City ang isinasailalim ngayong araw, Pebrero 24, sa mas mahigpit na quarantine status dahil sa mabilis na paglobo ng COVID-19.
Sa huling tala ay umabot na sa 435 ang aktibong kaso kung saan 60% ay mga nakatira sa iisang bahay.
Batay sa pamantayan ng pamahalaang lungsod, kaagad idaragdag sa listahan ng mga isasailalim sa localized enhanced community quarantine ang mga barangay na may tatlong aktibong kaso ng virus. Sa ilalim ng localized ECQ, bawal pumasok ang mga walang ID o quarantine pass. Hindi rin pinapayagang makapasok kapag walang negative swab test ang mga delivery riders at empleyadong hindi residente sa naka-lockdown na lugar. Ayon pa kay Mico Lorca, pinuno ng Pasay City Contact Tracing, hinihintay na lamang ng lungsod ang resulta ng samples na ipinadala nila sa Philippine Genome Center para malaman kung may COVID-19 new variant sa lungsod.