top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 6, 2023




Humaharap sa mga alegasyon ang isang Chinese national matapos makitaan ng umano'y shabu ang kanyang order nu'ng Sabado na dinala sa isang saradong Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Pasay City.


Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, sa kanilang inspeksiyon, natagpuan nila ang dalawang sachet ng shabu na nakapalaman sa order na pagkain.


Aniya, tinago lang ang mga sachet ng shabu sa pagkain dahil akala ng mga ito ay ipagsasawalang-bahala lang ang kanyang dala.


Kasalukuyang tinutugis ang nag-deliver ng pagkain para sa isang imbestigasyon.


Matatandaang ang POGO hub na 'to ang sinasabing sex den na sinalakay kamakailan kung saan natagpuan ang ilang kagamitan at kwarto para sa mga ilegal na operasyon.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 29, 2023




Nais paimbestigahan ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang mga opisyal ng Pasay City Police (PCP) para sa posibleng kakulangan sa aksyon ukol sa kanilang sinalakay na isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinasabing pugad ng prostitusyon.


Nakasaad sa liham ni Abalos kay Benjamin Acorda, Jr., hepe ng Philippine National Police (PNP), ang agarang pagsibak sa komandante't subordinato ng himpilan base sa mga alituntunin ng Commission on Elections (Comelec) sa paglipat ngayong panahon ng halalan.


Ayon kay Abalos, imposibleng hindi mapansin agad ng kapulisan ang ganitong kalaking operasyon ng krimen na umaalipusta sa halos daang-katao.


Dagdag pa niya, isa ang human trafficking sa mga kasong dapat agad aksyunan ng pamahalaan at anumang pagsasawalang bahala rito ay hindi makakatakas sa batas.


Kamakailan lang ay ni-raid ng pulisya ang sinasabing gusali kung saan 700 katao ang umano'y ginagamit upang isagawa ang ilegal na operasyon at prostitusyon sa loob ng gaming hub.






 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | October 28, 2023




Sinalakay ang umano'y illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na sinasabing may mala-palasyong operasyon ng prostitusyon sa Pasay City kahapon, Oktubre 27.


Nag-aalok umano ng ilegal na serbisyo at dati nang binawian ng lisensya ang nasabing lugar ngunit nagpatuloy pa rin sa gawain.


Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga gamit sa kanilang sesyon gaya ng mga KTV room, spa room, clinic, kainan, menu, at isang aquarium kung saan umano namimili ng babae ang mga kliyente.


Umaabot sa 500 POGO workers ang nahuli, kabilang ang mga Pilipino na hindi umano pinapayagang pumasok sa mga ipinagbabawal na lugar sa establisimyento.


Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz, bihirang umalis ang mga kliyente sa lugar at may sariling kaharian ang mga ito kung saan makukuha nila ang lahat ng kanilang kagustuhan.


Ilang POGO workers naman ang napabalik na sa kanilang bansa.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page