ni Chit Luna @News | September 2, 2024

Pangamba at takot ang umiiral ngayon sa mga residente ng Multinational Village makaraang makarating sa kanila ang balitang manggugulo umano ang kanilang dating village president at mga opisyales ng asosasyon.
Sa panayam kay Atty. Phil Ephraim Elgo, may perpetual disqualification na kay Arnel Gacutan, ang dating presidente ng Multinational Village Homeowners Association Inc. (MVHAI) kasama ng kanyang mga opisyales ng 2019 board.
Kaya naman apela nila rito, respetuhin ang desisyon ng hukuman. Naglabas na ng pinal na desisyon ang Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) na hindi na maaari pang maging opisyales ng village association si Gacutan at ang kanyang mga kasamahan.
Bukod pa rito, napawalang bisa rin ng HSAC at ng Court of Appeals ang pagkakahalal kay Gacutan sampu ng kanyang mga kasamahan noong 2019 matapos na mapag-alaman na gumamit ito ng hindi ratipikado at kwestyunableng bylaws ng asosasyon.
Ayon sa mga concerned homeowners, sa panahon ni Gacutan naglipana ang illegal Chinese migrants sa nasabing lugar kaya't kanilang pinangangambahan na sa kanyang pagbabalik ay muling dadami ang mga ito.
Ayon pa sa mga residente, sa ilalim umano ni Gacutan sumulpot ang mga Chinese businesses sa Multinational Village na pinamamahayan ng mga illegal immigrants mula sa Mainland China.
Sa nakaraang raid ng Bureau of Immigration, umabot sa 300 illegal migrants ang nasakote sa Multinational Village. Kaya naman noong nakaraang eleksyon, nanalo via majority vote ang Filipino businessman na si Julio Templonuevo bilang presidente ng MVHAI.
Apela ng mga taga-Multinational Village sa kanilang dating presidente, respetuhin ang desisyon ng korte na nagpataw sa kanya ng perpetual disqualification from holding office.