ni Jasmin Joy Evangelista | October 3, 2021
Patay ang isang bata sa sunog sa residential area sa Barangay Sun Valley, Parañaque City, hapon ng Sabado.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), hindi na nakitang buhay ang 1 taong gulang na biktima.
Inaalam na raw ng mga imbestigador kung paano nasawi ang bata at nasaan ang mga magulang nito nang sumiklab ang sunog.
Tinatayang nasa 100 tao ang nawalan ng bahay sa sunog na umabot ng unang alarma at 13 kabahayan ang nadamay na karamiha'y gawa sa kahoy o light materials kaya mabilis kumalat ang apoy.
Ayon sa BFP, nag-umpisa ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay pero hindi pa matukoy kung paano ito nagsimula.
Ayon sa Parañaque Health Management Service, nagbigay sila ng paunang serbisyo medikal sa mga apektadong residente, na inilipat muna sa mga modular tent at sa isang chapel sa lugar.
Nasa P100,000 ang inisyal na halaga ng ari-ariang natupok sa sunog.