top of page
Search

ni Gina Pleñago | May 24, 2023




Magsasagawa uli ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng Passport on Wheels sa Lunes, Mayo 29, sa SM City BF Parañaque City.


Ito ay isang joint project nina Parañaque City Mayor Eric L. Olivarez at District 1 Cong. Edwin L. Olivarez na naglalayong ilapit sa publiko ang mga serbisyo tulad ng pagkuha ng bagong passport, gayundin ang pagpapa-renew nito.


Katuwang din sa proyektong ito ang Parañaque City Cultural, Historical, and Tourism Promotions Division sa ilalim ng City Tourism Office at ang Department of Foreign Affairs (DFA).


Sa iba pang katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng City Tourism Office sa 2nd floor sa Parañaque City Hall.


 
 

ni Lolet Abania | June 20, 2022



Dalawa ang nasaktan habang 150 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa Parañaque City, bago mag-madaling-araw ngayong Lunes. Nasa tinatayang 80 bahay ang natupok sa Valley 6 sa Barangay San Isidro.


Nagsimula ang sunog bandang ala-1:00 ng hatinggabi na umabot sa ikaapat na alarma. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nahirapan silang pasukin ang lugar dahil sa makitid na kalsada, may konstruksyon sa oras na iyon, habang malayo ang lokasyon ng fire hydrant.


Batay pa sa BFP, ang mga kabahayan ay makakadikit at gawa rin sa mga light materials. Nagtulung-tulong naman ang mga residente para apulahin ang sunog, kung saan kumuha sila ng tubig mula sa isang drainage system na kasalukuyang isinasagawa.


Nagsimula ang sunog habang karamihan sa mga residente ay natutulog na. Ilan sa kanila ang hindi na rin nasagip ang kanilang mga kagamitan. Apektado rin ng sunog ang isang bakery na pag-aari ng isa sa mga residente.


Ayon pa sa BFP, tinatayang aabot sa P600,000 ang mga ari-ariang napinsala. Alas-2:22 ng madaling-araw idineklarang ng BFP na under control na ang sunog, habang fire out naman pasado alas-4:00 ng madaling-araw.


Pansamantalang nanuluyan ang mga apektadong residente sa isang covered court ng barangay. Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang naging sanhi at pinagmulan ng sunog.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | November 1, 2021



Kakaunti na lamang ang mga pasaherong dumarating sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong umaga.


Kung ikukumpara noong weekend lalo na noong Biyernes at Sabado na maraming pasahero ang dumagsa sa PITX, ngayong araw ay mangilan-ngilan na lang ang nagpupunta rito para umuwi ng kanilang probinsiya.


Halos wala ring pila kahit maaga pa, at wala ring makikitang nagsisiksikan.


Malayo ito sa sitwasyon noong weekend na umabot sa 50,000 hanggang 55,000 ang mga pasahero bawat araw bukod nitong Sabado na umabot sa 66,000.


Ayon kay Jason Salvador, ang head for corporate affairs ng PITX, naramdaman muli nitong panahon ng Undas ang dami ng mga pasahero noong bago ang pandemya.


Sa mga biyahe naman pabalik mula probinsiya, inaasahang bukas o mamayang gabi pa ang dagsa nito dahil ngayong araw ay holiday pa.


Samantala, nananatiling mahigpit ang seguridad at pagpapatupad ng health protocols sa terminal. Mayroong mga pulis na nag-iikot at ang mga pasaherong sasakay ay kailangang naka-face mask at face shield at dadaan din sa temperature check.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page