ni Thea Janica Teh | November 28, 2020
Ilegal, malupit, kakatwa, mapaghiganti at labag sa konstitusyon.
Ganito inilarawan ng Public Attorney’s Office (PAO) ang pagsisingit nina Senator Franklin Drilon at Senator Sonny Angara sa GAA (General Appropriations Act) Bill for 2021 na tanggalan ng budget ang PAO para sa plantilya o suweldo ng kanilang mga forensic doctors.
Aniya, "Forensic Laboratory Division: Nothing in the appropriation provided in this act shall be used for the salaries or compensation of personnel, travel allowance, meetings and maintenance and other operating expenses of the PAO Forensic Laboratory Division."
Ayon sa PAO, ito umano ay pangha-harass sa mga doktor at personnel ng kanilang forensic lab na tumutulong upang makamtan ang hustisya ng mga nabiktima ng dengvaxia at iba pang kaso na hawak ng mga ito. Ito umano ay malinaw ding pagte-terminate sa kanilang mga kawani.
Dagdag pa ng PAO, dahil ito umano ay ilegal at hindi ayon sa law of insertion mula sa opposition senator, hindi ito dapat tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapanatili ang batas, human rights at hustisya para sa mga mahihirap.
Samantala, itinaas nina Senator Drilon, Angara at Lacson sa P320 milyon ang budget para sa Commission on Human Rights (CHR) forensics and medico-legal service para sa GAA 2020.