ni Madel Moratillo | May 10, 2023
Hiniling ng Public Attorney's Office sa Korte Suprema na maglabas ng Implementing Rules and Regulations kaugnay ng Republic Act 9999 o ang Free Legal Assistance Act.
Sa isang liham na pirmado sa pangunguna ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta at iba pang abogado ng PAO at naka-address kay Chief Justice Alexander Gesmundo, nakasaad na hiniling nila na maalis ang Section 22 ng Proposed Code of Professional Responsibility and Accountability, kung saan nakapaloob ang probisyon na maaaring magresulta ng banggaan ng mga abogado ng PAO. “be DELETED/REMOVED, so that public attorneys will be governed by the remaining provisions on conflict of interest applicable to all members of the legal profession, without discrimination and qualification;” bahagi ng liham ng PAO.
Hiniling din nila na masuspinde ang bagong implementasyon ng Section 22 “indefinitely” habang pinag-aaralan ito ng Supreme Court en banc.
Dahil sa kawalan ng IRR, naniniwala rin ang PAO na hindi pa pwedeng ipatupad ang RA 9999.
Una rito, naglabas ng manifesto ang PAO lawyers laban sa nasabing bahagi ng Proposed Code of Professional Responsibility and Accountability.
Giit nila, kontra ito sa nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9406 o PAO Law.
Ang paglalagay umano ng 2 Public Attorneys sa isang sala ay taliwas sa diwa ng batas na nais maiwasan ang moonlighting.
Nagtatrabaho umano sila bilang iisa at may iisa lang silang mission at vission at hindi nila ito hahayaang masira.
Nabatid na 2019 sinimulan ang programa na ito, at ngayong taon, nasa 900 milyong piso ang inilaang pondo.