ni BRT | June 26, 2023
Nagkaroon ng kasunduan ang National Housing Authority (NHA) at Public Attorney’s Office (PAO) para makapaghatid ng libreng legal assistance sa mga benepisyaryo ng pabahay ng gobyerno.
Mismong sina NHA General Manager Joeben Tai at PAO Chief Public Attorney Dr. Persida V. Rueda-Acosta ang nagkasundo sa naturang programa.
Nagsagawa ng People’s Caravan ang NHA, kung saan ang PAO ay naimbitahan na makapagbigay ng libreng konsultasyon sa usaping batas.
Ang People’s Caravan ay ang pinakabagong inisyatibo ni Tai upang tuluyang mapalapit sa mga benepisyaryo ang mga serbisyo ng gobyerno.
Isasakatuparan ang People’s Caravan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno at nakatakdang ganapin sa mga proyektong pabahay ng NHA sa buong bansa.
Ito ay kabilang sa 10-Point Agenda for Improvement na inilatag ng pamunuan ni Tai at NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano.
Layunin ng naturang proyekto na matugunan ang pangangailangan ng mga benepisyaryo ng ahensya tungo sa isang progresibong komunidad.
Samantala, tiniyak naman ni Atty. Acosta ang suporta ng PAO sa NHA at siniguro na sila ay dadalaw din sa iba’t ibang proyektong pabahay ng NHA sa bansa para sa mas malawak na pagbibigay ng libreng konsultasyon sa mga residente.