ni Zel Fernandez | May 3, 2022
Pinag-iingat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko sa mga nagpapakilala umanong DSWD personnel upang makapag-recruit sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Batay sa report na natanggap ng ahensiya, may ilan katao umano na nakasuot ng pulang DSWD vest ang nag-iikot at pinapangakuan ang ilang mga indibidwal na mapapabilang ang mga ito sa ongoing recruitment ng naturang programa ng pamahalaan.
Kaugnay nito, ang modus umano ng mga nagpapakilalang DSWD staff ay kukunin ang personal na impormasyon at cash card account numbers ng mga biktima.
Paglilinaw ng DSWD, wala umanong ongoing registration para sa karagdagang 4Ps beneficiaries ang ahensiya at tanging mga maralitang kasambahayan na kasalukuyan nang nasa listahan ng kanilang database ang mga kuwalipikadong 4Ps beneficiaries.
Gayundin, wala rin anilang ipinakalat na mga tauhan ang DSWD para mangolekta ng mga cash card accounts dahil ito ay itinuturing na confidential information ng mga benepisyaryo.
Giit ng ahensiya, maging mapagmatyag ang publiko sa mga scammers at modus-operandi na may kinalaman sa mga pinansiyal na suportang ipinagkakaloob ng pamahalaan.