top of page
Search

ni Lolet Abania | August 26, 2021



“Guilty” ang naging hatol ng korte ng Tarlac sa sinibak na pulis na si Jonel Nuezca dahil sa pagpatay nito sa mag-ina na kanyang nakaalitan noong nakaraang Disyembre sa nasabing lugar.


Matatandaang naging kontrobersiyal ang kasong ito matapos mag-viral sa social media ang nakunan ng video na pagpatay ng pulis sa mag-ina.


Sinentensiyahan ni Judge Stela Marie Asuncion ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 106 si Nuezca ng “reclusion perpetua,” o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.


Pinagbabayad din si Nuezca ng halagang P952,560 bilang danyos.


Disyembre 20, 2020 nang magkaroon ng pagtatalo sina Nuezca at mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio sanhi ng ingay ng putok ng “boga.”


Bago nito, una nang nagkaroon ng hidwaan si Nuezca at pamilya Gregorio hinggil sa “right of way” sa kanilang lugar.


Si Nuezca ay nakatalaga noon sa Parañaque City crime laboratory subalit umuwi sa kanyang bahay sa Paniqui, Tarlac.


Agad ding sinibak si Nuezca bilang pulis matapos ang krimen.


Una rito, naghain ng “not guilty” plea si Nuezca sa kasong murder na kinaharap niya. Sa naging desisyon ng korte, nakasaad na hindi batid ng mga biktima na may baril ang pulis sa mga sandali ng pagtatalo.


“The suddenness and succession of shots fired by the accused indeed rendered the said victims helpless to retaliate the attack made by the accused,” pahayag ng korte.


“These fatal wounds that [cost] the lives of the victims are indeed treacherous,” dagdag pang pahayag.


Sa isang interview sa abogado ng mga biktima na si Atty. Freddie Villamor, sinabi nitong masaya at ikinatuwa ng pamilya Gregorio ang agarang pagdinig ng hukom sa kaso.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 21, 2020




Galit na pinanood ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-viral na video ng pamamaril at pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac, ayon kay Senator Bong Go.


Sa video, makikitang nakaalitan ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca, 46, ang biktimang si Sonya Gregorio, 52 at ang 25-anyos nitong anak na si Frank Anthony dahil lamang sa paggamit umano ng homemade cannon at humantong sa pamamaril ng pulis na ikinasawi ng mag-ina.


Saad ni Go, "Galit din si Pangulo sa nangyari.” Samantala, una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi poprotektahan ni P-Duterte si Nuezca.


Aniya, "Iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin at parurusahan po natin ang pulis na iyan — no ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil nakita naman po natin ang ebidensiya ng pangyayari.


"Hindi po kinukunsinti ng Presidente ang mga gawaing mali.”


Samantala, nahaharap na sa kasong grave misconduct involving homicide si Nuezca.


 
 

ni Thea Janica Teh | December 21, 2020




Nahuli sa video ang pagbaril ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac matapos magkaalitan nitong Linggo nang hapon.


Makikita sa video na yakap-yakap ni Sonya Gregorio, 52-anyos ang kanyang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25-anyos habang nakikipagtalo sa pulis na kinilalang si Jonel Nuezca.


Sa pag-aaway ng mga ito ay bigla na lamang binaril ni Nuezca sa ulo nang dalawang beses ang mag-ina.


Agad namang sumuko sa Pangasinan si Nuezca na napag-alamang naka-assign sa Parañaque Crime Laboratory at umuwi lang sa Tarlac.


Ayon kay Tarlac Police Chief Liutenant Colonel Noriel Rombaoa, may isang saksi umano na nagsabing “boga” ang pinag-ugatan ng away ng mga biktima at suspek.


“Nagkaroon sila ng pagtatalo and that time naungkat yung matagal na nilang alitan tungkol sa right of way,” sabi ni Rombaoa. Dagdag pa ni Rombaoa, nagsisisi na umano ang suspek at handa itong humarap sa korte. Nahaharap sa kasong double murder ang suspek.


Sa ngayon ay inihahanda na ng mga pulis ang isasampang kaso sa kanya at humihingi pa ng ibang salaysay sa mga witness na nakakita sa insidente.


Samantala, pinaalalahanan naman ni Rombaoa ang pamilya ng biktima na huminahon at nangakong gagawin nila ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-ina.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page